Lunes, Setyembre 2, 2013

UNANG YUGTO - KABANATA 3 (Kaagapay)

Samantala…

“Hay naku po kuya Joaquin, talagang nakakainis!” –hindi pa rin maka-move on si Narcisa sa nangyari kanina na nilagpasan siya ng dyipni kahit sumenyas ito na sasakay siya.
“Ha! Ha! Ha! Hayaan mo na Cisa, kalma ka lang…” sabi ni Joaquin –isang dyipni drayber, kapitbahay nina Yolanda… (aba, kaya pala kilala niya si Narcisa…), kumakain ito ng biskwit habang nagmamaneho, katabi nya si Narcisa na nakahawak sa bakal na nasa harapan…sa kaliwang kamay ni Narcisa, hawak niya ang pamasahe na puro barya.
“Eh, nakakainis nga po kasi eh…” pagmamaktol ni Narcisa…iritable ito.

JOAQUIN: (MAPAPATINGIN SA KANYANG RELO) Oh…alas-siyete kinse na…late ka na!
NARCISA: Haaaay…kaya nga po eh,
JOAQUIN: Kaya ka ba iritable ngayon?

Nagkibit-balikat si Narcisa…

JOAQUIN: O kaya...na-insecure ka lang?
NARCISA: Hala, (MAPAPATINGIN KAY JOAQUIN) hindi po ah! Hindi po ako ganu'n!
JOAQUIN: (TATAWA BAHAGYA) Biro lang, 'to naman,
NARCISA: (TITINGIN MULI SA HARAP/HIHIKAB)Haaaaaaaaay nakuuuuu…
JOAQUIN: (MAPAPANSIN SI NARCISA) Ano'ng oras ka na naman natulog kagabi? Kaya ka nahuhuli sa klase eh,
NARCISA: May inasikaso lang po akong pagkahirap-hirap na project…kaya, medyo inaantok pa ako…kayo ah, manghuhula din, tulad ni kuya (SI MACTAN ANG KANYANG TINUTUKOY)
JOAQUIN: Ganito talaga ako…nag-aalala din sa 'yo, tulad ng kuya Mactan mo…at isa pa, kaibigan mo ako…tapat akong kaibigan, alam mo 'yan…alam din yan ni Tita Yolanda, matagal na nga kami magkapit bahay, kilalang kilala niya pati kilos ko, pero siya…tsk…hindi masyado…pero alam kong likas siyang mabuting tao…
NARCISA: (MAPAPANGITI) Salamat po ah,
JOAQUIN: Wala 'yun, ano ka ba…Ayuuun! Mas maganda ka kapag nakangiti! Ha! Ha! Ha! Ngiti-ngiti din pag may time!
NARCISA: (IRITABLE ULIT) Eh, late na nga ako, paano ako makakangiti ng maayos?!
JOAQUIN: Hay naku, sige na…ngumiti ka dali!...dalian mo ah…magtatampo ako, sige ka…
NARCISA: (NGINGITI BIGLA)
JOAQUIN: (TITINGIN KAY NARCISA SAGLIT) Hayan! Eh 'di maganda na araw ko!
NARCISA: (TITINGIN KAY JOAQUIN) Practice lang po 'yun!

Pareho silang mapapatawa…

JOAQUIN: Alam mo, ngayon ko lang napansin…may kamukha ka,
NARCISA: Oh, talaga po? Artista ba?
JOAQUIN: (TATAWA BAHAGYA) Ang babaw ng kaligayahan mo… Ha! Ha! Ha!
NARCISA: Eeeeeeeeeh!.... (MEDYO NAINIS)
JOAQUIN: Hindi ah…biro lang…pero may kamukha ka nga, isang kaibigan ko dati…
NARCISA: Talaga po?
JOAQUIN: Oo, seryoso...hindi ko naitanong yung pangalan, pero kilala niya ako...
NARCISA: As in…kamukha ko?
JOAQUIN: Oo...kasing ganda mo. (SERYOSO)
NARCISA: Waaah! Kasing ganda ko daw oh, ha! Ha! Ha!

Ilalagay ni Narcisa ang kanyang pamasahe na nasa kaliwang kamay sa kaha na pinaglalagyan ni Joaquin ng mga barya, ginawa niya iyon upang magbayad, pero ibang estilo ang ginawa niya, hindi niya inabot ang kanyang pamasahe kay Joaquin, bagkus ay idineretso sa kaha.
Tumatanggi kasi Joaquin kapag nagbabayad si Narcisa.

JOAQUIN: Ay, bata ka… (NANGGIGIGIL NGUNIT NAKANGITI) Kahit hindi ka na
                   magbayad ayos na,
NARCISA: Sige na kuya…para dagdag swerte…hmm! Mahal ang petrolyo ngayon…
-------------------------
Halos hiningal si Narcisa nang maakyat ang ika-limang palapag ng gusali ng Ika-apat na taon, nasa 5th floor kasi ang kanyang silid-aralan…bahagyang sumilip muna siya sa klasrum…hayun, walang guro, marahil ay lumiban ito, maingay ang kanyang mga kamag-aral –naririnig hanggang labas ng silid-aralan, nagtatawanan…nagdadaldalan, yung iba'y nagtatayuan –ngunit hindi lumalabas.
Kaagad pumasok si Narcisa…
KEVIN: (TUMAYO, MANUNURO KAY NARCISA) Oyoyoy! Si Narcisa oh! Let's give her a round of applause! (PAPALAKPAK) Wooooh!
Ang mga kamag-aral ni Narcisa, pumalakpak at humiyaw, nabalot sandali ng ingay ang silid-aralan.
Bahagyang ngumiti si Narcisa, hanggang matunton niya ang kanyang silya kung saan siya nakaupo.
“Anong mer'on?” –pakunwa'y tanong ni Narcisa na tila walang alam.
“Nagtanong ka pa…eh ikaw nga itong champion sa Filipino eh, congrats!” –todo sa papuri ni Cedrick.
Todo hiyaw ang IV-Isaiah…
“Class, wait lang…” –ani ni Narcisa, tatahimik naman ang kanyang mga kamag-aral, “Ahhm…thank you sa inyo, sa pagsuporta, pati sa mga papuri nito…hindi ito ine-expect pero kahit papaano, may ibubuga ang section natin…pero sana naman, kooperasyon lang lagi, tulong-tulong tayo…para naman sa atin 'to eh…tayo ang gumagawa ng grades natin.”
“Tama, tama! Wooooh!” –sang-ayon ng IV-Isaiah.
Si Clarisa, na nasa tabi ni Narcisa ay mananapik at sabay sabing “Wala 'yun! Nandito lang kami palagi” –may kasiyahan siya nang binanggit niya 'yun.
Samantalang si Carlo, biglang umeksena, napabulyaw ito: “Sige lang! suportahan 'ta ka!”.
Nagtawanan lahat ang IV-Isaiah dahil sa anyo ni Carlo na animo'y nagpoprotesta: nakataas ang kanang kamay na hawak ang walis tambo, may bonete na nakasuot sa kanyang ulo, may bandanang nakatali sa kanyang leeg, ang kaliwang paa ay nakapatong sa silya, at ang ekspresyon ng mukha: parang may 'pinaglalaban…kalauna'y napatawa din si Carlo.
Guys –guys!” –medyo humihingal si Nelia galing sa labas ng silid-aralan, bahagyang hihinaan ang kanyang boses ngunit nakasisigurong maririnig siya ng lahat ng kanyang mga kamag-aral. “Usap-usapan ang sction natin dahil kay Narcisa,” –aniya na natuwa.
Wow! As in trending?! Ha! Ha! Ha! Patunay lang na 'di padadaigsi Narcisa!” sabi ni Paulo.
Dahil sa tuwa at sa 'di inaasahang pangyayari, humiyaw ang lahat, ang iba'y nagpalakpakan…si Narcisa, napangiti na lang.
Nang biglang,

Excuse me, IV-18!

Malakas at matinis ang boses…galit ito. Napatahimik at napalingon ang lahat ng mag-aaral ng IV-Isaiah –si Gng. Esmeli pala ang bumulyaw na nakapwesto sa pintuan, nakapamaywang at nanlilisik ang mga mata.
“Kanina pa kayo ah! Ang i-ingay n'yo! Nagka-klase ako sa kabilang room –dinig na dinig ko ang mga boses n'yo!” –sermon niya, halos nagsabay ang ihip ng hangin na nadama ng lahat.
“Ma'am, sorry po…" –pagpapatawad ng IV-Isaiah.
Manunuro sa mga estudyante si Gng. Esmeli, “Kayo ha, may minus kayo sa 'kin! Humanda kayo mamaya!” –at tumungo na siya sa silid-aralan na tabi lang ng silis-aralan ng IV-Isaiah kung saan siya nagtuturo sa mga oras na ito.
“Hala, Ma'am!” –pahabol na pagmamakaawa na may pag-angal ang nadama ng IV-Isaiah.
“Ayan tayo eh!” –sumagot pa si Paulo.
“Hay naku, ang ingay niyo kasi!” –reklamo ni Lianne sa mga kamag-aral. (Gayong kasama din siya sa nag-ingay).
-------------------------

SAN JOAQUIN ELEMENTARY SCHOOL…
Silid-aralan ng grade V-2…

Kasagsagan ng recess, ang mga estudyante…syempre kumakain, bahagya lang kang kanilang ingay. Samantala ang kanilang adviser ay nakaupo bandang likod sa silid-aralan sa kanyang mesa na kumakain din ng tanghalian.
Si Maurice, bagamat bumuli na ng makakain…
“Ay! Yung baon ko, naiwan!”
“Ha? Baon?” –tanong ni Luna na katabi ni Maurice.
“Oo, may baon akong kanin na nakalagay sa lunch box ko, naiwan ko sa bahay.”
Ayos! May baon pa pala siyang kanin…naiwan nga lang, gayong maraming pagkain na ang kanyang nabili mula sa canteen… (hindi pa siya makuntento nang bumili siya sa tray na inakyat ng kanyang mag-aaral na naglalaman ng mga pagkain na galing canteen para ibenta sa mga estudyante) –oo, mahilig sa pagkain si Maui, 'di naman tumataba…yung katawan niya, animo'y hindi pinakain ng ilang araw at ang kanyang timbang ay nasa malnourished level, kaya naman nakasama siya sa feeding program ng Mataas na Paaralang Elementarya ng San Joaquin tuwing Lunes, Miyekules at Biyernes. Pero kahit gano'n, malakas itong kumain, at kumakain naman siya ng maayos tatlong beses sa isang araw, o kaya minsan nga, apat na beses.
Food lover man siya, hindi siya kumakain ng mga maaalat na pagkain…sa kanyang desk, nakalatag ang ilan niyang nabiling mga biskwit, tinapay, at isang juice na nasa tetra pack.
“May mga pagkain ka na nga diyan, may baon ka pang naiwan. Ang takaw mo talaga,” –kantiyaw ni Luna.
Samantala, si Mactan na umaakyat sa hagdan –patungo siya sa silid-aralan ng V-2 hawak ang lunch box ni Maurice na naiwan nito kaninang umaga.
Nang siya ay makarating doon, una siyang nakita ng adviser ng V-2, nginitian siya, at tumayo ang guro –lumabas ng silid-aralan para tanungin si Mactan.
“Magandang tanghali po, sino po ang hanap nila?” nakangiting nagtanong si Gng. Valenzuela.
“Magandang tanghali din po ma'am,” –may lambing ang pagkakasabi ni Mactan at maaliwalas ang mukha nito, “Ibibigay ko lang poi tong baon ni Maurice…ni Maurice Sibugay –naiwan niya kasi ito kanina.”
“Ay sir, sandali po lamang ha,”, bahagyang pumasok siya sa silid-aralan (nakapwesto sa pintuan) upang tawagin si Maurice.
“Maurice…”
Lumingon si Maurice, “Bakit po, Ma'am?”
“Halika iha, may naghahanap sa 'yo,”
Tumayo si Maurice at lumabas sa silid-aralan, nananatiling nakapwesto sa pintuan si Gng. Valenzuela.
“Oh,” ibinigay ni Mactan ang lunch box kay Maurice, --nanatili siyang nakangiti.
“Woooh! Kuya, tenk yu po!” –abot tainga ang ngiti ni Maurice “Nakalimutan ko nga po ito kanina, nagmamadali na po kasi akong umalis eh,”
Tatawa bahagya si Mactan, “Naku, hala, kumain ka nang kumain ha”,  hahawakan niya ang ulo ni Maurice “...nang tumaba ka naman kahit pa'no…”
“Ha! Ha! Ha! Ha! Kuya talaga oh…mana kay Mamsi eh…”
“Oh s'ya, uwi na 'ko ha,”
“Agad-agad po kuya?”
“Aba, oo naman. May klase ka pa mamaya oh, at saka, marami pa akong gagawin. Mag-aral ka ng mabuti ha,” –hahalikan niya si Maurice sa noo.
“Sige po, ingat po kuya!” –ani ni Maurice, sabay magsesenyas ang kanyang kanang kamay bilang pamamaalam –sesenyas din si Mactan, “Ingat ka rin.”
“Ma'am, salamat po,” sabi ni Mactan sa guro.
“Sige sir, walang anuman ho.”
Lumakad na si Mactan palayo at bumaba sa hagdan. Tumalikod si Maurice at tumingin kay Gng. Valenzuela, “Ma'am, kuya ko po yung naghatid sa baunan ko,” nakangising wika ni Maurice.
“Haaaay, ikaw talagang bata ka, mukhang marami ang makakain mo ngayong araw na ito,” sabi ni Gng. Valenzuela na halos matawa kay Maurice.
\“Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Oo nga, share your blessings naman!” –kantiyaw ng isa sa mga kamag-aral ni Maurice, lalaki ito.
Bahagyang nagtawanan ang lahat ng V-2, pati ang kanilang adviser.
-------------------------
Nakababa na ng Bldg. B si Mactan galing sa silid-aralan ni Maurice. Napahinto siya sa paglalakad, balewala sa kanya ang malumanay na hangin na kanyang nadama at mga dahon na nagsisipagbagsakan, kahit nabagsakan na siya ng mga dahon sa kanyang ulo at balikat. Napatanaw siya sa bandang kanan…malayo ang kanyang tingin…doon sa kabilang gusaling naroroon sa unang palapag.
May maaalala ito…

Nakita niya noon si Narcisa, (noong siya'y elementarya) kasama ang isang lalaking dyanitor –mahaba ang buhok na hanggang balikat, may bigote, may hawak na panlampaso at ang kanyang kasuotan ay pormal na pang-dyanitor na nakalagay pa ang selyo ng eskwelahan sa bandang kanan sa pang-itaas na damit –malinis ito, at tila bagong bili…pero malinis ito manamit na nakaakbay sa kanya palabas ng naturang gusali, nagmamadali sila. Medyo malapit si Mactan sa gusali na iyon kaya maririnig niya kung ano man ang pag-uusapan ng dalawa. Siya ay nagtago sa malaking puno ng batibot upang hindi siya makita.
Si Narcisa, basang basa ng tubig…naka-uniporme pa ito. Malungkot ang pagmumukha nito ngunit hindi umiiyak o humikbi man lang.
“Naku, Diyos ko. Basang basa ka! Hindi mo na kailangan kimkimin ang matagal nang ginagawa sa 'yon g mga kaklase mo,” –pag-aalala ng dyanitor.
“Paano po kung hindi maniwala yung Guidance Councilor o yung Principal? Natatakot po ako” –nangangatal na sabi ni Narcisa.
“Basta iha, akong bahala sa 'yo.”
Pahilim na sinundan ni Mactan ang dalawa…hanggang makarating ng Guidance Office…
Nakabukas ang pinto ng Guidance Office kaya dumeretso sina Narcisa at ang dyanitor na pumasok.
Ang Guidance Councilor, nagulat at napatakip sa kanyang bibig nang makita ang kaawa-awang itsura ni Narcisa.
“Aaaaay, Diyos ko po!” , gulantang ni Ma'am Florencia Cagalingan, ang Guidance Councilor ng Mataas na Paaralang Elementarya ng San Joaquin. “Iha, anong nangyari sa 'yo?” –napatayo siya at lumapit kay Narcisa, hahawakan ang magkabilang balikat nito, “Basang basa ka ah,” pag-aalala niya, ipinako niya ang tingin sa dyanitor.
“Wacks,” ani niya, kilala niya ang dyanitor, “Bakit basang basa itong isang huwarang mag-aaral ng San Joaquin?” –sa tono pa lang ng pananalita ni Ma'am Florencia mahihinuhang mahal na mahal niya ang mga batang nag-aaral sa paaralang ito.
“Ma'am, ako na po ang maglalakas-loob na magsumbong…”
“Ano'ng ibig mong sabihin?”
“Kagagawan po ng mga kamag-aral niya kung bakit nagkaganito ang kaawa-awang bata!”
“Ha?! Totoo?”
“Matagal na po siyang binubully ng mga kamag-aral niya. Ang masama pa nito, palihim. Noon pa man, gusto na po niya magsumbong, ngunit hindi siya pinaniniwalaan ng mga guro dito at natatakot na ring magsumbong kahit kanino…matagal na po niya tinitiis ang mga pananakit sa kanya na isa sa mga dahilan kung bakit bumababa ang kanyang mga marka…alam ko may paraan para mabago 'yun. 'Di po ba hindi n'yo hahayaang mangyari 'yun sa ibang estudyante?” –halos walang gatol na sabi ni Wacks na nag-aalala din kay Narcisa.
Si Mactan, natulala na lang…nasa bandang gilid siya ng pintuan ng Guidance Office.
“Ano kamo?” –nagulat si Ma'am Florencia, napahagod siya sa kanyang mukha, “Naku, may ganito pa lang nangyayari dito nang hindi ko alam! Hayaan niyo, ipaparating natin agad ito sa punong-guro.”
Ang lalaking dyanitor na naalala ni Mactan ay siyang kaibigan ni Narcisa at tumulong upang lumakas ang loob nito laban sa mga kamag-aral niya na patuloy siyang binubully…mula sa mga pagbibigay ng mga payo, pagpapasaya, at pagtulong nito upang mawakasan na ang kalbaryo ni Narcisa. 
“Hindi ko man alam ang tunay mong pangalan ngunit mas kilala ka sa pangalang Wacks, noon pa man, nagpapasalamat na ako sa 'yo…gusto kitang pasalamatan sa personal dahil sa pagpapatatag at paggabay mo sa kapatid ko, pero hindi ka na nagtatrabaho dito. Hanggang ngayon, naaalala ka pa rin ni Narcisa…kaya kung nasaan ka man, sana nasa maayos kang kalagayan…pagpalain ka nawa ng Panginoon.”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento